Bago naging Pangulo ng Commonwealth ng Pilipinas si Manuel L. Quezon, naging opisyal muna S'ya ng hukbong Pilipino na lumaban sa mga Amerikano noong Philippine-American War.
At isa sa mahahalagang yugto ng kanyang buhay militar ay naganap dito mismo sa Mariveles, Bataan.
Nang sumiklab ang labanan sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano noong Pebrero 4, 1899, nasa Baler si Quezon. Naniniwala S'yang hindi dapat talikuran ang ipinaglalabang kalayaan ng bansa kaya sumapi S'ya sa hukbo ng Unang Republika ng Pilipinas.
Mula sa pagiging second lieutenant, mabilis ang naging pag-angat niya sa hanay ng rebolusyonaryong hukbo. Naging bahagi S'ya ng staff ni Emilio Aguinaldo, nagsilbi sa iba't ibang bahagi ng Luzon, at kalaunan ay napabilang sa puwersa ni Heneral Tomas Mascardo, na namuno sa mga rebolusyonaryong puwersang kumikilos sa Gitnang Luzon.
Sa pag-atras ng hukbong Pilipino dahil sa patuloy na paghabol ng mga Amerikano, nakarating ang puwersa ni Mascardo sa kabundukang naghihiwalay sa Pampanga at Bataan.
Ipinadala si Quezon sa Bataan upang suriin ang lugar. Ayon sa salaysay na ginamit ng historyador na si Rolando M. Gripaldo, iminungkahi ni Quezon ang kagubatan sa pagitan ng Bagac at Morong bilang magandang lugar na mapagtataguan ng puwersa.
Kalaunan, binigyan S'ya ng tungkuling kumilos sa teritoryong mula Balanga hanggang Mariveles.
Pagsapit ng huling bahagi ng Marso 1901, malubha na rin ang kalagayan ni Quezon. Nagdurusa S'ya sa malaria, habang ang rebolusyonaryong puwersa ay nahaharap sa kakulangan ng pagkain, armas, bala at iba pang pangangailangan.
Kasabay nito, kumalat ang isang balitang maaaring magbago sa direksiyon ng digmaan:
Nahuli na raw ng mga Amerikano si Heneral Emilio Aguinaldo sa Palanan, Isabela.
Totoo ang balita. Nadakip si Aguinaldo noong Marso 23, 1901.
Ngunit kailangang malaman ni Heneral Mascardo kung ano ang ibig sabihin nito para sa natitirang hukbong Pilipino.
Noong Marso 31, 1901, ayon sa salaysay ni Gripaldo, inutusan ni Mascardo ang maysakit na si Major Manuel L. Quezon na sumuko sa mga Amerikano upang alamin kung totoong nahuli si Aguinaldo.
Mahalagang linawin ito.
Ang pagsuko ni Quezon ay hindi lamang bunga ng kanyang karamdaman o ng pagkatalo sa labanan. Mayroon S'yang partikular na misyon mula kay Mascardo.
Kailangan niyang kumpirmahin ang pagkakadakip kay Aguinaldo at malaman kung ano ang magiging direksiyon ng natitirang rebolusyonaryong puwersa.
Noong Abril 1901, sumuko si Quezon kay Lt. Lawrence S. Miller, ang Amerikanong kumander sa Mariveles.
Maging ang opisyal na kasaysayan ng Bayan ng Mariveles ay nagtatala na, matapos madakip si Aguinaldo, sumuko si Quezon kay Miller sa utos ni Mascardo upang malaman ang kalagayan at saloobin ni Aguinaldo tungkol sa pagpapatuloy ng pakikipaglaban.
Mula Mariveles, dinala si Quezon patungong Maynila.
Nakipagkita S'ya kay General Arthur MacArthur, ang American Military Governor, at nagkaroon din S'ya ng pagkakataong makita mismo ang bihag na si Aguinaldo.
Sa kalaunan, ipinaabot kay Quezon na si Mascardo na mismo ang kailangang magpasya kung ipagpapatuloy pa ang paglaban o susuko.
Matapos maisagawa ang kanyang misyon, nanatili si Quezon sa bahay ni Dr. Alejandro Albert sa Maynila.
Ngunit hindi rito nagtapos ang kanyang karanasan sa digmaan.
Ayon kay Gripaldo, kalaunan ay inaresto at ikinulong si Quezon nang humigit-kumulang anim na buwan nang walang kasong isinampa laban sa kanya. Pagkalaya, pansamantala S'yang nanirahan sa Navotas.
Makalipas ang ilang taon, iniwan niya ang buhay militar at pumasok sa batas at pulitika. Ang dating maysakit na major na sumuko sa Mariveles ay magiging isa sa pinakamakapangyarihang lider ng bansa at, noong 1935, magiging Pangulo ng Commonwealth ng Pilipinas.
Hindi lamang lokal na kuwento ang pagsuko ni Quezon sa Mariveles.
Sa 1950 historical marker ng Mariveles, na nakatala ngayon sa National Historical Commission of the Philippines Registry of Historic Sites and Structures, malinaw na binabanggit na nasaksihan ng Mariveles ang:
pagsuko ni Major Manuel L. Quezon noong 1901.
Kasama rin sa marker ang pagsuko ni General Artemio Ricarte noong 1904 at ni Major General Edward P. King Jr. noong 1942, gayundin ang pagiging panimulang lugar ng Death March noong Abril 9, 1942.
Madalas tawaging "Katipunero" si Quezon sa mga popular na post tungkol sa pangyayaring ito. Ngunit para sa mas eksaktong paglalahad ng kasaysayan, mas angkop na tukuyin S'ya bilang opisyal ng hukbo ng Unang Republika ng Pilipinas o rebolusyonaryong hukbong Pilipino noong Philippine-American War.
Ang dokumentadong pangyayari sa Mariveles ay naganap noong 1901, ilang taon matapos ang unang yugto ng Katipunan laban sa Espanya.
Kapag pinag-uusapan natin si Manuel L. Quezon, karaniwang naaalala natin ang Commonwealth, ang wikang pambansa, at ang kanyang pamumuno bago ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Ngunit bago ang Malacañang, bago ang Senado, at bago S'ya naging Pangulo, may isang batang Major Manuel L. Quezon na nagkasakit ng malaria habang nakikipaglaban sa mga Amerikano.
At noong Abril 1901, bumaba S'ya mula sa pakikibaka at sumuko sa Mariveles bilang bahagi ng isang misyong ipinag-utos ni Heneral Tomas Mascardo.
Ang pangyayaring iyon ay maliit lamang na bahagi ng napakalawak na kasaysayan ng Philippine-American War, ngunit mahalaga ito sa kasaysayan ng ating bayan.
Ang Mariveles ay hindi lamang naging saksi sa kasaysayan. Sa maraming pagkakataon, naging mismong entablado ito ng kasaysayan ng Pilipinas.
Rolando M. Gripaldo, Manuel L. Quezon: A Life Led with Achievement, The Technician, Vol. 7 No. 1, 1988, Mindanao State University-Iligan Institute of Technology.
National Historical Commission of the Philippines, Registry of Historic Sites and Structures: Mariveles.
Municipality of Mariveles, Municipal History.
MARIVELES HISTORICAL SOCIETY
Pagkilala sa nakaraan. Pagpapanatili ng alaala. Pagpapasa ng kasaysayan sa susunod na salinlahi.

0 Comments